Tuesday, January 27, 2026

Nagpugay ang KWF sa búhay at akda ng dati nitong direktor

Nagpugay ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa dati nitong direktor at mahalagang manunulat at iskolar na si Julian Cruz Balmaseda noong 28 Enero 2026 sa auditorium ng Philippine Information Agency, Lungsod Quezon.

Si Julian Cruz Balmaseda (1885–1947), na nagdiriwang ngayon ng kaniyang ika-141 anibersaryo ng kapanganakan, ay isang mahalagang manunulat at iskolar na nagsulat sa Filipino at humúli sa kaluluwa at ubod ng isang mahalagang panahon sa kasaysayan ng Pilipinas. 

Nagsimula ang karera niya bilang manunulat mula sa pagtatapos ng kolonyalismong Español tungo sa guho ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Isinulat ni Balmaseda ang búhay ng mga Pilipino sa malawak na espektrum mula sa makabayan tungo sa romantiko at personal. 

Ayon sa mga sanggunian, sumulat si Balmaseda ng 802 tula at 44 dula. Ilan sa mga aklat niya ng tula ang Ang Bayan ni Plaridel (1913), Pangarap Lamang (1915), at Naku, ang Maynila! (1923–1924). Muling-inilabas ng KWF ang kaniyang Naku, ang Maynila! noong 2015 sa ilalim ng Aklat ng Bayan.


Ang mga isinulat niya tulad ng Sangkuwaltang Abaka (1922) at Ang Tala ng Bodabil (1936–37) ay muling isinadula at inilabas bilang pelikula.

Bilang iskolar ng panitikang Pilipino, ilan sa mahahalaga niyang saliksik ang Ang Tatlong Panahon ng Tulang Tagalog (1938) at Ang Dulang Pilipino (1947). 


Si Balmaseda, na isinilang sa Orion, Bataan, ay isang guro, municipal clerk, at kawani ng gobyerno. Naglingkod siya bilang direktor ng National Institute of Language (ngayon ay KWF) mula 1938–1947. 

Mula pa noong 2015, pinaparangalan ng KWF si Balmaseda sa pagkakaloob ng Gawad Julian Cruz Balmaseda sa bawat kaarawan niya. Kinikilala ng gawad na ito ang pinakamahuhusay na tesis at disertasyon na nakasulat sa Filipino bilang ambag sa intelektuwalisasyon ng wikang pambansa.


Nagwagi para sa 2026 sina Darwin Plaza (thesis) of Ateneo de Naga University and Ferdinand P. Jarin (dissertation) of De La Salle University. 

Inilunsad rin ng KWF ang aklat ni Lovella Gamponia-Velasco, PhD na Ubbog Ti Asin: Kuwento at Kuwenta ng mga Babaeng Mannurat ng Nueva Viscaya. Nagwagi si Gamponia Velasco ng Gawad Balmaseda para sa disertasyon noong 2017.

No comments:

Post a Comment

Thanks for dropping by! Hope you can follow me:

Youtube: http://youtube.com/Pintura14
FB Pages: http://facebook.com/vintersections | http://facebook.com/i.imagine.green

Twitter/IG/Tiktok/Pinterest: @ronivalle